Guinobatan, Albay – Unang araw ng Nobyembre, kasagsagan ng Bagyong Rolly, isang bumbero ng BFP Quezon City ang nagligtas ng isang pamilya mula sa tiyak na kapahamakan ng lampas-taong baha sa Guinobatan, Albay. Siya si Fire Officer 3 Joffre Amador Gonzales ng Ramon Magsaysay Fire Substation sa Lungsod ng Quezon.

Apat sa kanyang kapitbahay pati ang kanilang alagang aso ang kanyang matapang na sinagip. Gamit niya habang tinatawid o sinusuong ang mataas na baha ang rescue rope na dinala niya pauwi galing sa duty sa Quezon City bilang paghahanda sa noo’y paparating pa lang na Bagyong Rolly. Bagama’t hindi special rescuer, una na niyang nagamit ito noong Bagyong Reming taong 2006. Aniya, “[W]hile on process sa attempt namin ng pag rescue, kinuha ko agad yung lubid ko sa sasakyan ko. Kasi kahit papano naghanda talaga ako kasi na-experience na namin si Reming. Parehas na parehas ang nangyari. Pero ‘yung kay Reming mataas talaga tubig kasi umabot ng kalsada ‘yung tubig nun.”

Kwento pa niya, napakaswerte nila dahil pagkatapos niya mailigtas lahat ng apat na kapitbahay, bigla namang gumuho ang pader at umagos nang mas malakas ang tubig na tiyak na may dalang kapahamakan. “Honestly, hindi ko din po alam, nanaig na lang po ang pagiging public servant,” dagdag niya nang tinanung kung ano ang kanyang naramdaman nung mga oras na iyon.

Samantala, agad namang nagpahatid ng tulong ang boung kawanihan ng BFP NCR sa mga kababayan nating Bicolano sa papamagitan ng mga donasyon. Ito ay kasama sa mga personal na iniabot ni Director Jose S. Embang, Jr., BFP Chief, at CSupt Gilbert D. Dolot, BFP NCR Director, noong Nobyembre 6 bilang bahagi ng “Lingap Bumbero” Relief Mission.

(Photo credit:Jhelyna Caila Arcinue Chua)